Comelec, babaguhin ang petsa ng fresh voter registration

0
45
Comelec, babaguhin ang petsa ng fresh voter registration
Ang huling pagpaparehistro ay naganap noong Lunes, kung saan marami ang mga nagreklamo na hindi sila nakahabol sa cut off.

Balak baguhin ngayon ng Commission on Elections (Comelec) ang petsa ng pagpaparehistro ng mga bagong botante, dahil sa pagpasa sa Senado na ganapin na lamang ang pambarangay na eleksyon sa taong 2022.

Ayon sa tagapagsalita ng Comelec na si James Jimenez, pag-aaralan na ngayon nang mas maaga ang pagbubukas ng bagong registration period sapagkat mukhang ipagpapaliban na ang barangay elections sa susunod na taon. 

Ang huling pagpaparehistro ay naganap noong Lunes, kung saan marami ang mga nagreklamo na hindi sila nakahabol sa cut off.

Sa naging interview ni Jimenez sa DZMM radio, nabanggit rin niya na hinihintay na lamang na pirmahan ni Presidente Rodrigo Duterte ang batas. Dagdag pa niya’y inaasahan nilang sasang-ayunan ni Duterte ang batas kaya’t hindi sila naghanda nang maigi sa kamakailang pagpaparehistro.  

Eleksyon sa 2022

Noong Lunes, inaprubahan ng Senado ang naging huling pagbasa ng Senate Bill No. 1043 na nagsasaad ng pagpapaliban ng eleksyon sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK). 

Magaganap dapat ang susunod na eleksyon sa Mayo 11, 2020, ngunit ngayo’y inaasahang magaganap ito sa Disyembre 05, 2022. 

Nakasaad din sa batas na pagkatapos ng magiging eleksyong pambarangay sa 2022, gaganapin naman ang susunod sa unang Lunes ng Disyembre sa taong 2025 at tuwing ika-tatlong taon pagkatapos noon. 

comelec-babaguhin-voter-registration-1

Noong Mayo 2018 ang naging huling botohan dahil na rin sa pagpirma ng Presidente sa panukalang batas na ipagpaliban ang eleksyon noong Oktubre 2017. 

Kung gagawing batas ito, sa parehong taon magaganap ang halalan ng pangulo, at ng barangay at SK

“Kailangan talaga tayong magbukas ng registration para sa mga darating pang mga halalan partikular ‘yung ating local and national election sa 2022,” saad ni Jimenez. 

Ayon sa kanya ay umabot ng mahigit dalawa’t kalahating (2.5) milyon ang mga nagparehistro mula sa datos kahapon.

Asahan ng mga hindi umabot sa deadline na pagkatapos ng ilang linggo ay magkakaroon ulit ng registration.

Pakiusap din ni Jimenez na sikaping makapagpa-rehistro nang mas maaga at huwag nang hintayin ang huling araw nito.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here