Nag-react na ang Kapamilya aktor na si Gerald Anderson sa muling pagsasama ng kanyang nobyang si Bea Alonzo at John Lloyd Cruz bilang love team. 

Sa kanyang naging interview sa isang event ng brand na kanyang ineendorso ay sinabi ng aktor na matagal na niyang alam ang tungkol sa proyekto ng ultimate Kapamilya love team. 

Hangad din ni Anderson na muling magtambal ang dalawang Star Magic artists sa isang big screen project. 

“Matagal ko na alam yun e. Yun ang ginawa nila, yung brand na ini-endorse nila ngayon. Exciting no? Namimiss sila ng maraming tao. Sabi ko nga ‘dapat nga gumawa na kayo ng pelikula e’ kasi dun kayo nakilala talaga eh, yung partnership niyo, yung team work niyo, love team niyo, so maraming nakaka-miss sa inyo,” ang sabi ng aktor. 

“Sobrang refreshing diba? Si John Lloyd matagal nawala, sobrang na-miss natin siya sa mga movies niya, sa mga ginagawa niya so it’s good to see them together,” dagdag niya. 

Inamin din ni Gerald na siya ay big fan ng John Lloyd-Bea love team simula pa lamang noon dahil ang dalawa ang bumida sa pinaka unang pelikulang tagalog na kanyang napanood sa takilya.

“Oo naman. Yun ang unang movie na pinanood ko. ‘Now That I Have You’ sa sinehan nagbayad talaga ko. Fourteen or 13 years old ako nun,” kwento ng aktor. 

Nabanggit din ng Kapamilya hunk na crush niya si Bea noon, kaya’t noong nalaman niya na may pelikula ito ay mabilis siyang pumunta sa sinehan para mapanood ang pelikula nito. 

“Crush ko na siya nun eh. Hindi ko siya kilala pero napanood ko lang sa TV tapos sabi ng kaibigan ko, ‘tara may movie sila na pinapalabas, ‘ sabi ko ‘talaga? May movie sila?’ kasi hindi ko pa alam na malaking artista sila tapos takbo kami papunta sa mall. Ayun ang unang pelikula na Tagalog na napanood ko.”

Ngunit sa kabila ng napaka-busy na buhay artista ng magnobyong Gerald at Bea — si Gerald ay parte rin ng Maharlika Pilipinas Basketball League — ay sinisigurado ng dalawa na naglalaan sila ng oras sa isa’t-isa. “Pag gusto mo laging may paraan diba? Sacrifice, time management, understanding, napakahirap ng schedule namin, so ginagawa namin yung best namin. That’s all we can do at maging positive lagi,” pahayag ng aktor.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here