Guro sa Pampanga, sakripisyong namamangka para makapagturo

0
57
Guro sa Pampanga, sakripisyong namamangka para makapagturo
Maligayang Araw ng mga Guro!

Si Florence Bonifacio ay isang guro mula Pampanga na handang magsakripisyo araw-araw para makatulong sa mga batang nais matuto sa paaralan. 

Inaabot ng halos kalahating oras ang pamamangka ni Bonifacio mula sa pantalan ng Barangay Caduang Tete sa bayan ng Macabebe papuntang Barangay Castuli. 

Araw-araw na maagang nagigising, pagkarating sa Castuli ay lalakad pa siya ng 15 minuto sa pilapil ng mga palaisdaan. Pagkatapos ay magsusuot naman ito ng bota para lumusong sa ilang metrong baha papasok sa eskwela. 

Hindi lamang si Bonifacio ang bayani, ngunit pati ang ibang mga guro sa Pampanga na nasa mga coastal na barangay na araw-araw dumaranas ng ganitong sitwasyon patungong paaralan.

Ayon sa kanila, hindi ito kalbaryo sapagkat pinili nilang magsakripisyo para maabot ang mga batang kaposngunit nagsusumikap mag-aral.

“‘Pag tinignan mo yung negative side na yung hirap ng pagpunta dito — yung pagtuturo na madulas yung daan, malaki yung tubig ‘pag umuulan, nababasa bangka — kung yun ang tinitignan mo, baka hindi ka na makapagturo. Titigil ka!” saad ni Bonifacio.

Para sa kanila, ang mahalaga ay nakatutulong sila sa mga bata at magbigay inspirasyon sa mga ganoong klaseng karanasan sa buhay. 

“’Yung makita mo ‘yung bata na nasagip mo ‘yung buhay niya, naituwid mo ‘yung buhay niya, napakasarap sa damdamin n’un, ‘yung nakita mong nagtagumpay siya sa buhay,” dagdag ni Bonifacio. 

“Ang kabataan ang pag-asa ng bayan” 

guro-sa-pampanga-namamangka-1
Image Source: Mica S. | WordPress

Ika nga ni Doktor Jose Rizal, ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Ngunit paano nga naman sila ang magiging susi kung walang mga guro na handang magturo sa kanilang mahalin ang bayan at magsumikap, lalo na’t halos pagkaitan sila maging ng edukasyon. 

Paano mo maeenganyong pumasok ang mga bata kung walang mga guro na nagpapakita sa kanilang nagsasakripisyo para lang makapasok sa paaralan? 

Kailangan nila ng karamay at ng inspirasyon na mag-uudyok sa kanilang pumasok at matuto sa klase. 

Kahapon, Huwebes, pito sa 18  estudyante ni Bonifacio ang lumiban sa klase dahil sa mataas na baha sa kanilang tinitirhan, na napakadelikado kung lalakarin. Kung magbabangka naman sila ay hindi kakayanin ng kanilang mga bulsa. 

Araw ng mga Guro 

Ang mga bayaning guro tulad ni Bonifacio ay handang maghirap para sa mga kapos na bata. 

Hindi nila alintana ang dagdag na hirap sa pagtuturo, matagal na pagtayo sa klase, at maging ang sakit sa lalamunan mula sa maghapong pagsasalita. 

Ang ganitong katangian ng mga guro, lalo na sa Central Luzon, ang nagiging dahilan para bumaba ang drop-out rate sa mga pampublikong paaralan, ayon sa Department of Education (DepEd). 

“That is a good sign na malaki ang motivating factor ng teachers natin to keep students inside the classrooms. Lumalaki din ang ating enrollment rate,” pahayag ni Dr. Nicholas Capulong ng DepEd – Central Luzon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here