Pedicab driver, arestado sa panggagahasa sa isang 10-taong gulang na estudyante

0
105
Pedicab driver, ginahasa at nabuntis ang 10-taong gulang babae
40-anyos na pedicab driver sa Las Piñas, arestado matapos gahasain at mabuntis ang isang 10-taong gulang na estudyante.

Inaresto ang isang 40-anyos na pedicab driver sa Las Piñas dahil sa umano’y panggagahasa sa 10-taong gulang na bata na kanya ring nabuntis. 

Kapitbahay ng biktimang si “Kelly” ang suspek na si “Jaime”, na isang ring volunteer tanod ng barangay. 

Araw-araw diumano ang paghatid at pagsundo ng suspek sa biktimang nasa ikalimang baitang pa lamang sa kanyang paaralan. 

Kamakailan ay napansin ng ina ni Kelly na nahinto ang buwanang dalaw nito kaya naisipan nilang ipatingin ang dalaga sa isang manghihilot. 

Doon nga ay nadiskubreng nagdadalang-tao ang batang babae, dahilan para umamin ito sa ina na noong Enero pa nangyayari ang panggagahasa sa kaniya ni Jaime. 

Ipinahuli na ng kampo ng biktima ang suspek noong Biyernes, Hunyo 28. 

Kwento ng Suspek 

Ang depensa ni Jaime ay pumapayag daw si Kelly sa ginagawa nito sa kanya tuwing naiiwan sila sa bahay ng biktima. 

Ngunit ayon kay Col. Simnar Gran, hepe ng Las Piñas police, napag-alamang panay ang pananakot ng suspek sa biktima na huwag itong magsumbong sa kaniyang magulang. 

Itinanggi rin ni Jaime na nakainom o gumagamit siya ng droga sa tuwing gagawin nito ang panggagahasa sa bata. 

Ngayo’y nagsisisi na ang suspek sa kanyang ginawa at humihingi ng tawad sa magulang ng batang si Kelly. 

Kaugnay ng Child Abuse Law, sumailalim na ang suspek sa inquest proceedings para sa kasong rape. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here