Maaaring magsara ang Ocean Adventure sa Subic Bay matapos maglabas ng babala ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) dahil sa di umanong paglabag nito sa kanilang kontrata. 

Banggit ng tagapangulo at tagapangasiwa ng SBMA na si Wilma Eisma, nakasaad sa kontratang namamagitan sa ahensiya at sa operator ng theme park na Subic Bay Marine Exploratorium Inc. (SBMI), kasali ang pag-debelop ng 100 hektarya ng lupang inuupahan ng SBMI. 

Di umano, hindi tinupad ng kumpanya ang kasunduang ito. 

Kasalukuyang inuupahan ng SMBI ang 500 hektaryang lupain sa Subic Bay, kung saan maaari lamang silang magtayo ng mga gusali sa 20 porsyento ng lupain. 

“Kasama po sa contractual obligations na hindi nila sinunod ay ang development commitment, kung saan pinangako nila na ang almost 100 hectares should have been developed already by this time,” sabi ni Eisma noong Miyerkules. 

Ngunit ayon sa CEO at presidente ng SBMI na si Ianne Gonzaga, 20 hektarya pa lamang ang nakuhang idevelop ng kumpanya. 

Itinanggi din niya ang mga paratang ni Eisma at sinabing may isinumite na silang mga plano ukol sa pagdevelop sa lugar. 

“Sabi nila mayroon daw failure to develop. OK, pero kayo nga ‘yung nagtatali ng kamay namin para ‘di makapag-develop e,” saad ni Gonzaga. 

Plano ng SBMI 

subic-ocean-adventure-maaaring-ipasara-1
The Family Dolphin Experience in Subic’s Ocean Adventure | Image Source: Ocean Adventure

Dagdag pa ni Gonzaga na may balak na silang bumuo ng “adventure trails” na sasakupin kahit man lang ang 5 hektarya nito.

Si Eisma, sa kabilang banda, sinabi na wala pa man silang natanggap mga plano mula sa kumpanya. 

“Papano ko po sila mabibigyan ng konsiderasyon kung wala naman po silang binibigay na plano? Sige po, hindi ko babawiin ang 100 hektaryang hawak nila, pero wala naman po silang plano at pera na kaya nilang i-develop ang property na iyon,” wari ni Eisma.

Ang kontrata ng SBMI at SBMA ay hanggang 2057 dapat, ngunit ngayo’y mahigit 500 empleyado ang nanganganib na mawalan ng trabaho dahil sa mga pangyayari. 

Ayon naman sa SBMA, kung hindi magkasundo ang dalawang partido, maaaring magsara ang Ocean Adventure sa loob ng dalawang taon. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here